Nasabat ng mga tauhan ng Pagadian City Police Station katuwang ang 1st Zamboanga del Sur Provincial Mobile Force Company at 53rd Infantry Battalion ng Philippine Army ang tinatayang Php12,466,200 halaga ng smuggled na sigarilyo sa isang COMELEC checkpoint sa Barangay Tiguma, Pagadian City noong Enero 30, 2025.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Jerwin S Cagurin, Acting Chief of Police ng Pagadian CPS, bandang 9:40 ng umaga, isang wing van truck na may plakang CCO 9908 ang naharang at may lamang tinatayang 150 master cases ng Bravo na itinago sa ilalim ng mga sako ng balat ng bigas.
Kinilala ang driver na si alyas “Ricky”, 43 anyos, residente ng Barangay Tininghalang, Lapuyan, Zamboanga del Sur, at ang truckman na si alyas “Alvin”, 29 taong gulang, residente ng Tabuan Lasa, Basilan.
Patuloy ang kampanya ng PNP laban sa smuggling at iba pang iligal na aktibidad upang mapanatili ang kaayusan sa rehiyon.
Panulat ni Pat Joyce Franco