Kalaboso ang isang lalaki matapos makuhanan ng Php68,000 halaga ng hinihinalang shabu, ilegal na baril at mga bala sa inilunsad na search warrant operation ng mga awtoridad sa Barangay D’lotilla, Isulan, Sultan Kudarat nito lamang Enero 30, 2025.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Julius R Malcontento, Hepe ng Isulan Municipal Police Station, ang suspek na si alyas “Erok”, nasa wastong gulang, walang asawa, at residente ng nabanggit na lugar.
Ayon kay PLtCol Malcontento, isinilbi ang Search Warrant laban sa kay Erok bandang 10:00 ng umaga sa pangungunguna ng kanilang hanay kasama ang iba pang mga kapulisan ng Regional Intelligence Division 12, at 1st Sultan Kudarat Provincial Mobile Force Company.
Nakumpiska mula sa pag-iingat ng suspek ang isang yunit ng Cal.38 revolver na baril na may kasamang tatlong bala at apat na plastic sachets na naglalamang ng pinaghihinalaang shabu na may kabuuang bigat na 10 gramo na may tinatayang halaga na Php68,000.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o ang “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act” at R.A. 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Patuloy ang PNP na mas paiigtingin pa ang kampanya laban sa mga iba’t ibang krimen at hinihikayat ang mga mamamayan na makipagtulungan sa mga otoridad upang mapanatili ang kaayusan at katahimikan ng isang Bagong Pilipinas.