Nasabat ng mga opertiba ng Northern Police District ang isang 24-anyos na lalaking drug courier sa isinagawang COMELEC Checkpoint nito lamang Miyerkules, Enero 29, 2025.
Kinilala ni Police Colonel Josefino D Ligan, Acting District Director ng Northern Police District, ang nadakip na suspek na si alyas “Jonathan”.
Ayon kay PCol Ligan, nasita ang suspek sa ikinasang COMELEC Checkpoint ng Sub-Station 9 ng Caloocan City Police Station (CCPS), na sakay ng isang asul at itim na Honda Beat na motorsiklo na may dalang Lalamove bag.
Sa paghahalughog, tumambad sa pulisya ang 12 kilo ng pinaghihinalaang marijuana bricks, isang kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana, 60 piraso ng pinaghihinalaang ecstasy tablets, maraming bote ng hinihinalang liquid marijuana, at dalawang maliit na sachet ng hinihinalang cocaine na may tinatayang may market value na Php1,573,100 at iba pang drug paraphernalia.
Sasampahan ng kasong paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code (Resistance and Disobedience to a Person in Authority) at Section 11, Article II ng Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Pinuri ni National Capital Region Police Office Regional Director Police Brigadier General Anthony A Aberin ang operating team para sa kanilang pagbabantay at mabilis na pagkilos, na nagpapatibay sa mga prinsipyo ng “AAA Policing” ng Able, Active, at Allied sa paglaban sa ilegal na droga.
“Ang matagumpay na pag-aresto na ito ay nagpapakita ng hindi natitinag na pangako ng ating mga tauhan ng NCRPO na panatilihing ligtas ang Metro Manila. Sa pamamagitan ng ating mga proactive operations at strategic partnership, patuloy nating lansagin ang mga network ng ilegal na droga at sisiguraduhin na ang ating kampanya laban sa ilegal na droga ay magiging walang humpay at agresibo,” ani PBGen Aberin.
Source: PIO NCRPO
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos