Nasabat ng mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng Northern Police District (NPD) ang tinatayang Php204,000 halaga ng shabu na nagresulta sa pagkakadakip ng 27 anyos na suspek sa Santos Compound, Bukid Street, Malinta, Valenzuela City nito lamang Miyerkules, Enero 29, 2025.
Kinilala ni Police Colonel Josefino Ligan, Acting District Director ng NPD, ang suspek na si alyas “Ian”, nakalista sa drug watchlist ng lungsod.
Nadakip ang suspek matapos magbenta ng ilegal na droga sa isang undercover na operatiba na nagresulta sa pagkakakumpiska ng humigit-kumulang 30 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng Php204,000 at iba pang non-drug evidence.
Nahaharap ang naarestong suspek sa mga kasong paglabag sa Section 5 (Selling of Dangerous Drugs) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) sa ilalim ng Article II ng Republic Act 9165, na kilala rin bilang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Hinihimok ng Northern Police Cops ang publiko na aktibong lumahok sa paglaban sa ilegal na droga sa pamamagitan ng pag-uulat ng mga kahina-hinalang aktibidad sa kanilang pinakamalapit na istasyon ng pulisya o sa pamamagitan ng mga itinalagang hotline upang mapanagot sa batas.
Source: NPD PIO
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos