Matagumpay na inilunsad ng mga miyembro ng Tuguegarao Component City Police Station ang “Project Tinapay ng Buhay, sa Kapwa ko Iaalay” sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) Carig Sur, Tuguegarao City, Cagayan nito lamang ika-28 ng Enero 2025.
Katuwang ng Tuguegarao CCPS ang BreadTalk Tuguegarao Charity, ang nasabing aktibidad kung saan sama-sama nilang isinagawa ang pamamahagi ng tinapay bilang bahagi ng kanilang adbokasiya na tumulong sa mga nangangailangan.
Layunin ng proyektong ito na magbigay ng kaunting ginhawa at pagdamay sa mga pamilya ng mga pasyente sa ospital. Sa pamamagitan ng simpleng pagkakaloob ng pagkain, ipinaparamdam sa kanila na hindi sila nag-iisa sa kanilang pinagdaraanan.
Bukod dito, layunin din ng proyekto na mapalakas ang ugnayan ng pulisya sa komunidad. Ang “Project Tinapay ng Buhay, sa Kapwa ko Iaalay” ay patunay na ang simpleng kabutihang-loob ay may malaking epekto sa pagpapalaganap ng malasakit at bayanihan sa ating lipunan.
Source: Tuguegarao Component City Police Station
Panulat ni PSSg Randy Boy Cusipag