Nasabat ng mga awtoridad ang tinatayang Php288,000 halaga ng smuggled na petrolyo sa isinagawang seaborne patrol operation sa Barangay Likod, Tabawan, South Ubian, Tawi-Tawi nito lamang ika-25 ng Enero 2025.
Pinangunahan ni Police Lieutenant Colonel Jeseryl A. Dela Cruz, Commander ng 1st Special Operations Unit ng PNP Maritime Group, ang operasyon katuwang ang Bureau of Customs Sub-port Bongao.
Ang maigting na koordinasyon ay nagresulta sa pagkakakumpiska ng kabuuang 5,000 litro ng smuggled fuel—2,600 litro ng gasolina na nagkakahalaga ng Php156,000 at 2,400 litro ng diesel na nagkakahalaga ng Php132,000.
Sa naturang operasyon, pitong indibidwal ang naaresto at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10863, o ang “Customs Modernization and Tariff Act” kapag napatunayang nagkasala ang mga ito.
Samantala, muling ipinaalala ng PNP Maritime Group ang kahalagahan ng patuloy na pagbabantay laban sa smuggling na hindi lamang lumalabag sa batas kundi nagdudulot din ng masamang epekto sa ekonomiya ng bansa. Ang pagkakakumpiska sa smuggled fuel ay isang patunay ng mas pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na aktibidad sa karagatan.
Panulat ni Patrolwoman Ma. Señora Agbuya