Na-rescue ang dalawang indibidwal matapos mabiktima ng umano’y illegal recruitment sa Mapun, Tawi-Tawi noong ika-25 ng Enero 2025.
Pinangunahan ni Police Lieutenant Colonel Jeseryl A. Dela Cruz, Commander ng 1st Special Operations Unit ng Maritime Group, ang operasyon katuwang ang Mapun Municipal Social Welfare and Development Office.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, nalaman na ang dalawang kababaihan ay balak sanang dalhin sa Malaysia sa pamamagitan ng backdoor route.
Sa isinagawang panayam ng MSSD Mapun, lumabas na ang mga biktima ay pinangakuan ng trabaho ng isang kamag-anak sa Malaysia kahit wala pa sa wastong travel authority at mga kinakailangang dokumento para magtrabaho sa ibang bansa.
Ang mga nasagip na biktima ay kasalukuyang nasa pangangalaga ng MSSD Mapun, Tawi-Tawi para sa counselling.
Nanawagan ang PNP Maritime Group sa publiko na maging mapagbantay laban sa mga iligal na recruitment activities. Hinikayat din ang agarang pag-uulat ng mga kahina-hinalang gawain upang maiwasan ang pagkalap ng mga biktima at maprotektahan ang mga indibidwal laban sa human trafficking.
Panulat ni Patrolwoman Ma. Señora Agbuya