Matagumpay na nailigtas ang isang taong gulang na batang babae sa kamay ng sariling ama matapos itong gawing hostage noong ika-24 ng Enero 2024, sa C6 Road, Taytay, Rizal.
Na-stream nang live sa social media ang insidente na nagdulot ng matinding pagkaalarma sa publiko. Ang suspek, na kinilalang si alyas “Vin”, 26, ay nakita sa video na hawak ang kanyang anak habang armado ng isang karambit knife.
Dahil sa maagap na aksyon ng Taytay Municipal Police Station (MPS) na pinangunahan ni Rizal Police Provincial Director, Police Colonel Felipe B. Maraggun, kasama si PLtCol Marlon Solero at iba pang lokal na opisyal, ang maselang negosasyon ay nauwi sa mapayapang resolusyon ng insidente. Dahil sa kanilang koordinadong aksyon at epektibong pakikipag-usap, nakumbinsi ang suspek na sumuko ito at ibigay ang bata sa mga awtoridad.
Ang suspek ay nahaharap ngayon sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9262 o “Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004”, Alarms and Scandal, at Illegal Possession of Bladed Weapons.
“Ang insidente ay dulot ng problemang pampamilya, ngunit nagpapasalamat kami na natapos ito nang walang nasaktan. Napakahalaga ng maagap at maayos na paghawak sa sitwasyon upang mapanatili ang kaligtasan ng lahat,” ani PCol Maraggun.
Source: RIZAL PPO-PIO
Panunulat ni Pat Maria Sarah P Bernales