Arestado ang isang lalaki matapos itong lumabag sa ipinatutupad na COMELEC Gun Ban sa Purok Tagumpay, Barangay Bukay, Tantangan, South Cotabato bandang 11:58 ng umaga noong Enero 16, 2025.
Kinilala ni Police Major Romeo S Albano Jr., Chief of Police ng Tantangan Municipal Police Station, ang suspek na si alyas “Reynante”, 38 anyos, may asawa, at residente ng nasabing lugar.
Nakatanggap ng impormasyon ang Tantangan PNP mula sa isang concerned citizen na ang nasabing suspek ay armado ng baril at nanggugulo sa kanilang lugar.
Inabutan ng mga rumespondeng pulis ang suspek na umiinom ng alak sa labas ng kanyang bahay na may dalang 12-gauge homemade shotgun na kargado ng isang bala at may kasamang magazine na naglalaman ng dalawang bala.
Nang tanungin tungkol sa lisensya para sa baril, bigo itong magpakita ng kaukulang dokumento.
Sa kabila nito, boluntaryong sumuko ang suspek matapos itong kausapin ng mga pulis.
Sinigurado naman ng mga awtoridad na ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatang konstitusyonal matapos ang pagsuko.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) kaugnay sa Omnibus Election Code (COMELEC Gun Ban).
Mahigpit na ipatutupad ng PNP ang nationwide gun ban mula Enero 12 hanggang ika-11 ng Hunyo nitong taon para sa paparating na National and Local Election (NLE) 2025. Dahil dito, mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala ng mga baril o iba pang nakamamatay na armas sa mga pampublikong lugar kabilang ang anumang gusali, kalye, parke, pribadong sasakyan, o pampublikong sasakyan.