Kumpiskado ang Php1.9 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa tatlong indibidwal sa ikinasang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Purok 3, Barangay San Vicente, Banga, South Cotabato nito lamang ika-14 ng Enero 2025.
Kinilala ni Police Brigadier General Arnold P Ardiente, Acting Regional Director ng Police Regional Office (PRO) 12, ang mga nahuling suspek na sina alyas “Kevin”, 30 anyos, tinuturing na High Value Individual, alyas “Angel”, 25 anyos, parehong residente ng Barangay Namnama, Koronadal City at si alyas “Jann”, 25 anyos at residente naman ng Barangay Yangco, Banga, South Cotabato.
Bandang 8:25 ng gabi nang isinagawa ng mga tauhan ng Banga Municipal Police Station katuwang ang South Cotabato Police Provincial Office ang drug buy-bust operation na nagresulta ng pagkaaresto ng tatlong suspek.
Nakumpiska ang 38 na pakete ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na 280 gramo na nagkakahalaga ng Php1,904,000, isang piraso Php1,000 bill na ginamit bilang buy-bust money, pitong piraso ng Php1,000 boodle money at iba pang non-drug items.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Tiniyak ng buong hanay ng PRO 12 ang maigting na kampanya kontra ilegal na droga tungo sa isang mapayapa, tahimik, at maunlad na rehiyon.