Mahigpit at alerto na nagtatag ang Police Regional Office 2 (PRO2) ng 149 checkpoints sa buong Rehiyon Dos sa pakikipagtulungan ng Commission on Elections (COMELEC) niyo lamang ika-12 ng Enero, 2025.
Pinangunahan ni PBGen Antonio P. Marallag Jr., Regional Director ng PRO2, katuwang ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG) ang nasabing aktibidad upang tiyakin ang ligtas at mapayapang halalan sa darating na National and Local Elections (NLE) 2025.
Aktibong iniinspeksyon ng mga otoridad ang mga checkpoint upang hadlangan ang anumang karahasan na may kaugnayan sa halalan.
Kasama rin dito ang pagpigil sa iligal na transportasyon ng mga armas, pampasabog, at iba pang banta sa seguridad. Ang mga checkpoint ay inilagay sa mga estratehikong lugar upang mapanatili ang kaligtasan at kaayusan ng komunidad.
Ayon kay PBGen Marallag, “Ang pagtatatag ng mga checkpoint na ito ay mahalagang bahagi ng aming komprehensibong plano para sa seguridad ng halalan. Ang aming pakikipagtulungan sa COMELEC, AFP, at PCG ay susi sa pagtiyak ng ligtas at kapani-paniwalang halalan. Hinihikayat namin ang publiko na makipagtulungan sa aming mga opisyal upang masiguro ang kaayusan at kapayapaan.”
Patuloy na nakaalerto ang PRO2 at ang buong kapulisan sa bansa sa pagbabantay at handang ayusin ang mga kinakailangang hakbang sa seguridad para sa libre, patas, at mapayapang halalan.
Source: PRO 2
Panulat ni PSSg Randy Boy Cusipag