Napasakamay ng City Drug Enforcement Unit ng Cabuyao City Police Station (CCPS) ang tatlong suspek sa isinagawang drug operation noong Disyembre 27, 2024, dakong alas 7:10 ng gabi sa Barangay Casile, Cabuyao City, Laguna.
Kinilala ni Police Brigadier General Paul Kenneth T Lucas, Regional Director ng PRO 4A, ang mga suspek na sina alyas “Elmo”, 47 taong gulang, alyas “Precy”, 53 taong gulang, at alyas “Nick”, 27 taong gulang na pawang mga residente ng Barangay Casile, Cabuyao City, Laguna.
Nakuha sa pagmamay-ari ng mga suspek ang mga heat-sealed sachet at buhol-buhol na plastic bag na naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na humigit kumulang 230 gramo na nagkakahalaga ng Php1,564,000, isang motorsiklo, marked money, at iba pang illegal drug paraphernalia.
Sangkot ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Samantala, pinupuri naman ng Regional Director ang Cabuyao City Police Station at iba pang operating agency sa kanilang dedikasyon sa kampanya laban sa iligal na droga. Ang pag-aresto sa mga indibidwal at ang pagkumpiska ng malaking halaga ng shabu ay sumasalamin sa pangako na protektahan ang komunidad at tiyakin na Drug Free ang Rehiyon ng CALABARZON.
“Magsilbi itong mahigpit na babala sa mga sangkot sa iligal na gawain; walang lugar ang inyong mga aksyon sa ating rehiyon. Sa kabila ng mga kabi-kabilang pagdiriwang ngayong yuletide season ay hindi kami papatinag upang patuloy na magsagawa ng operasyon laban sa iligal na droga,” ayon kay PBGen Lucas.
Source: RPIO4A
Panulat ni Pat Maria Sarah P Bernales