Sa diwa ng pagmamalasakit at pagkakaisa, personal na nanghatid ng tulong si Police Brigadier General Redrico A. Maranan, Regional Director ng Police Regional Office 3, kasama ang kanyang maybahay na si Gng. Ebeneza Maranan, sa 13 PNP personnel na kasalukuyang dumaranas ng iba’t ibang karamdaman na ginanap sa Camp Captain Julian Olivas, City of San Fernando, Pampanga nito lamang Disyembre 23, 2024.
Ang programa ay may temang “PRO3 CARES: Pagmamahal sa Kapulisan” na naglalayong maibsan ang pinagdaraanan ng ating mga kapulisan na dumaraan sa matinding pagsubok.
Nakaranas ng iba’t ibang karamdaman ang mga benepisyaryo tulad ng chronic kidney disease, cancer, at diabetic amputation.
Nakatanggap ang mga ito ng 25 kilos na bigas, Noche Buena packs, cash assistance, at dalawang wheelchair para sa mga nangangailangan ng mobility aid.
Ayon kay RD Maranan, ang programang ito ay bahagi ng kanyang pangako na alalayan ang mga kasamahang pulis na dumaraan sa pagsubok.
“Hindi natin pababayaan ang ating mga kapulisan na lumalaban sa kanilang mga personal na laban. Sila ay bahagi ng ating pamilya sa serbisyo, at nararapat lamang na ipadama natin ang ating malasakit at suporta.”
Layunin ng inisyatibong ito na hindi lamang magbigay ng agarang tulong kundi pati na rin ng inspirasyon upang mapalakas ang diwa ng pagkakaisa at pag-asa sa hanay ng mga pulis.
Ang PRO3 CARES ay patunay ng malasakit sa kapwa at pagbibigay halaga sa kalagayan ng mga kasamahan sa serbisyo—isang adhikain na bahagi ng mantra ni RD Maranan na “Makabagong Pulis sa Makabagong Panahon.”