Matagumpay na isinagawa ng mga Inayan Cops sa Mountain Province ang gift-giving activity na ginanap sa Dalican, Bontoc, Mountain Province nito lamang ika-20 ng Disyembre 2024.
Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan ng mga tauhan ng Mountain Province Police Provincial Office sa ilalim ng pangangasiwa ni Police Colonel Ferdinand N Oydoc, Provincial Director, katuwang ang mga local at foreign stakeholders at mga miyembro ng Kabataan Kontra Droga at Terorismo (KKDAT) ng nasabing lugar.
Tampok sa aktibidad ang pagbibigay ng mga regalo sa 106 na mag-aaral ng Dalican Elementary School kung saan ito’y nakapagbigay ng ngiti sa bawat mukha ng mga bata dahil sa mga regalong natanggap tulad ng bags, sapatos, damit, gamit panlaro, gamit sa paaralan, at iba pa.
Ayon kay PCol Oydoc, ang nasabing aktibidad ay bahagi ng layunin ng kapulisan na tumulong at magbigay ng suporta lalo na sa mga taong nangangailangan, mas paigtingin pa ang ugnayan ng komunidad at ng kapulisan, at maipadama ang diwa ng kapaskuhan.
Nagpahayag naman ng pasasalamat ang mga mag-aaral, mga magulang, at mga guro ng Dalican Elementary School dahil sa mga biyayang natanggap.
Ang pamaskong handog ng Inayan Cops ay patuloy na nagiging inspirasyon sa pagbibigay ng tulong at pag-asa sa mga nangangailangan lalo na ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Panulat ni Patrolwoman Melba Langbis