Boluntaryong sumuko ang 15 miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa isang seremonya na ginanap sa Ladtingan Multi-Purpose Hall, Barangay Pigcalagan, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte noong ika-16 ng Disyembre 2024.
Dinaluhan ang seremonya nina Police Colonel Joel E. Estaris, Provincial Director ng Maguindanao del Norte Police Provincial Office, Brigadier General Jose Vladimir R. Cagara, Commander ng 1st Brigade Combat Team ng Philippine Army, at mga opisyal ng Lokal na Pamahalaan ng Sultan Kudarat.
Kinilala ang mga sumukong miyembro sa mga alyas na sina “Samuel,” “Toy,” “Tony,” “Franco,” “Jay,” “Bong,” “Loy,” “Boy,” “June,” “Tomas,” “Tacio,” “Mike,” “Jeff,” “Manny,” at “Patrick.”
Kasabay ng kanilang pagsuko ay ang pagturn-over sa mga sumusunod na armas: apat na home-made 40mm RPG, dalawang home-made cal. 50, isang M1 Carbine cal. 30, isang Carbine cal. 30 Garand, dalawang home-made 7.62 mm sniper rifle, isang GK9 9mm, 11 na improvised explosive devices (IEDs).
Bilang tugon, nakatanggap ang bawat sumuko ng cash assistance at bigas mula sa pamahalaan bilang bahagi ng kanilang pagsuporta sa reintegrasyon ng mga dating rebelde sa lipunan.
Patuloy naman ang paghikayat ng pamahalaan sa mga natitira pang miyembro ng BIFF na sumuko at gamitin ang tulong na iniaalok ng gobyerno sa pamamagitan ng E-CLIP at iba pang programa ng kasalukuyang administrasyon upang matulungang magkaroon ng bagong pananaw at mapayapang pamumuhay kasama ang kanilang pamilya.
Panulat ni Patrolwoman Ma. Señora Agbuya