Nasabat sa dalawang magkahiwalay na buy-bust operation ang Taguig City Police Station na humantong sa pagkakaaresto sa tatlong suspek at pagkakakumpiska ng tinatayang Php741,200 halaga ng shabu nito lamang Sabado, Disyembre 14, 2024.
Ayon kay Police Brigadier General Bernard R Yang, District Director ng Southern Police District, sa unang buy-bust operation na naganap sa Barangay Rizal, Taguig City ay nadakip ng mga pulis ang suspek na kilalang si alyas “Anton”, isang 43 anyos na construction worker, na nakuhanan ng 10 heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng kabuuang 55 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang street value na Php374,000, isang tunay na Php500 bill na ginamit bilang buy-bust money, limang piraso ng pekeng boodle money, at isang sobre sa pagpapadala ng koreo.
Ayon pa kay PBGen Yang, sa ikalawang buy-bust operation naman na isinagawa dakong 4:30 ng madaling araw sa Barangay Pembo, Taguig City, ay naaresto ang dalawang suspek na kilala naman bilang sina alyas “Gregor”, 38, at alyas “Samuel”, 34, kapwa nakuhaan ng anim na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng 54 gramo ng hinihinalang shabu, na tinatayang nasa street value na Php367,200, isang tunay na Php500, limang piraso ng pekeng boodle money, at isang pouch.
Nahaharap naman ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Tuloy-tuloy lamang ang SPD sa pagsasagawa ng mga operasyon kontra ilegal na droga upang tuluyan ng masupil ang mga sindikato nito at wala ng inosenteng indibidwal ang mapahamak pa.
Source: SPD PIO
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos