Huli sa iligal na baril ang isang 52 anyos na lalaki matapos na ihain ang search warrant sa mismo nitong tahanan sa Barangay Kadi, Senator Ninoy Aquino, Sultan Kudarat nito lamang umaga ng Disyembre 15, 2024.
Kinilala ni Police Major Ronalyn P Domider, Hepe ng Senator Ninoy Aquino Municipal Police Station, ang suspek na si alyas “Proceso”, 52 anyos, may asawa, at residente ng nasabing lugar.
Ayon kay PMaj Domider, dakong 5:15 ng umaga nang ihain ang search warrant laban sa suspek at narekober sa loob ng pamamahay nito ang ‘di lisensiyadong baril na isang yunit ng homemade 12-gauge rifle na may kasamang 19 bala.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 0 “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act”.
Ang Pambansang Pulisya katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ay patuloy sa pagpapaigting ng kampanya kontra kriminalidad. Ito ay alinsunod sa isa sa pangunahing prayoridad ng administrasyon na labanan ang mga sindikato ng droga at sa mga taong patuloy na gumagawa ng ilegal na aktibidad.
Paalala naman sa publiko na may karampatang parusa ang sinumang mahuli na nagtatago ng mga hindi lisensyadong armas.