Aktibong nagpaabot ng kamalayan ang mga tauhan ng Regional Police Community Affairs and Development Unit Cordillera sa mga mag-aaral ng Bineng National High School sa Bineng, La Trinidad, Benguet nito lamang ika-15 ng Nobyembre 2024.
Ang aktibidad ay pinangunahan ni Police Lieutenant Colonel Denver A Alidao, Assistant Chief ng RPCADU Cordillera, nang kanyang sinimulan ang talakayan sa paggabay sa mga mag-aaral na magkaroon ng kaalaman, impormasyon, kasanayan, o karanasan na kinakailangan sa pagkilala at pagpili ng karera o career guidance.
Bukod pa rito, tinalakay din ang “Golden Rule” o “Gintong Patakaran” na isang pangunahing prinsipyo sa etika at moralidad na magbibigay ng gabay sa mga mag-aaral sa paghubog ng kanilang mga pag-uugali at relasyon sa kapwa.
Samantala, tinalakay naman ng ibang miyembro ng nasabing yunit ang mga epekto ng pag-inom ng alak, panganib ng paggamit ng ilegal na droga, mga kampanya laban sa pambu-bully, batas sa pagpoprotekta sa kababaihan at kabataan at mga tips sa pag-iwas sa krimen.
Kasunod nito ang masiglang dayalogo at pamamahagi ng mga flyers patungkol sa iba pang anti-criminality tips at ang pagpapakalat sa hotline numbers ng “Sumbong Nyo Aksyon Agad” para sa agarang pagtulong sa mga nangangailangan laban sa mga banta ng kriminalidad.
Labis naman ang pasasalamat ng mga guro ng nasabing paaralan dahil sa mga kaalaman at impormasyon na natutunan ng kanilang mga mag-aaral.
Ayon kay PLtCol Alidao, ang aktibidad na ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng yunit na itaas ang kamalayan ng mga kabataan at makapagbigay ng kaalaman upang labanan ang krimen, suportahan ang pag-unlad ng mga kabataan, at tiyakin ang isang mas ligtas na kapaligiran para sa lahat tungo sa maunlad at payapang Bagong Pilipinas.