Bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Children’s Month, nagsagawa ng mahalagang lektura ang Olongapo City Mobile Force Company, para sa mga estudyante ng mataas na paaralan ng Barretto II National High School nito lamang Martes, ika-12 ng Nobyembre 2024.
Ang naturang aktibidad ay pinangunahan ng mga tauhan ng Olangapo City Mobile Force Company sa ilalim ng pamumuno ni Police Lieutenant Colonel Joan S Sibayan, katuwang ang mga miyembro ng Police Station 6 at Olongapo City Cyber Response Team.
Ang lektura ay tumutok sa mga paksang nakakaapekto sa kabataan tulad ng Cyberbullying, Teen Dating Abuse, at pag-iwas sa ilegal na droga.
Binigyan-diin sa mga estudyante ang kahalagahan ng tamang paggamit ng teknolohiya at ang mga epekto ng hindi wastong paggamit nito, lalo na sa aspeto ng cyberbullying at teen dating abuse. Ang mga paksang ito ay napapanahon at mahalaga upang maihanda ang mga kabataan sa mga hamon ng makabagong panahon.
Sa pagtatapos ng programa, hinikayat ang mga kabataan na maging aktibong kalahok sa komunidad at maging mga tagapagtaguyod ng positibong pagbabago.
Ang layunin ng aktibidad ay hindi lamang magbigay ng kaalaman kundi mag-udyok din na maging mga lider ng kinabukasan na may malasakit at pananagutan sa kanilang kapwa.