Napaluha sa saya si Lolo Aurelio Golondrina Robredillo, residente ng Brgy. Nato, Taft, Eastern Samar, matapos mahandugan ng PANDAyanihan Program ng 1st Eastern Samar PMFC noong Pebrero 15, 2022.
Pang-pito si Lolo Aurelio sa mga nahandugan ng naturang programa, siya ay 76 -taong gulang na may kapansanan sa paningin dahil sa katarata sa mata. Isa pa sa nagpapahirap sa kanya ay ang bali sa paa nang mahulog mula sa isang kahoy na tulay habang bitbit ang isang sako na puno ng kopra taon nang nakalilipas.
Kaya’t isa siya sa mga naging benepisyaryo ng PANDAYanihan program na inilunsad sa naturang lugar noong Agosto 16, 2021. Kung saan hanggang ngayon ay pinapangunahan pa rin ni PLtCol Joy G Leanza, Force Commander, 1st ESPMFC.
Nagtungo ang PANDAYanihan Team ng 1st ESPMFC sa tirahan ni Lolo Aurelio 7:00 ng umaga upang isagawa ang initial na plano na ayusin ang kanyang tirahan subalit kanilang napag-alaman na nabubulok at sira na ang pundasyon ng bahay ni Lolo.
Agad na inalis ito at napagkasunduhang magtayo na lamang ng bagong bahay na may matibay na poste, dingding at yero.
Ang nasabing programa ay naglalayong matulungan ang ating mga mahihirap na kababayan na Senior Citizens at PWDs na ayusin ang kanilang tirahan kasama na ang pagpapatayo ng bago o pagsasaayos ng mga ito.
###