Kalaboso ang tatlong High Value Individual (HVI) sa isinagawang buy-bust operation ng mga tauhan ng Marikina City Police Station at nakumpiska ang tinatayang mahigit sa Php2 milyong halaga ng shabu nito lamang Huwebes, ika-7 ng Nobyembre 2024.
Ayon kay Police Colonel Villamor Tuliao, Officer-In-Charge ng Eastern Police District, naganap ang operasyon sa Block 43, Singkamas St., Barangay Tumana, Marikina City makaraang magpanggap na isang poseur-buyer ang isang pulis na humatong sa pagkakadakip ng mga suspek na sina alyas “Khalil”, alyas“Amrex”, at alyas “Jamaira”.
Nakumpiska din ng mga awtoridad ang 18 piraso ng heat-sealed transparent sachets at dalawang knot tied transparent plastic bags na naglalaman ng hinihinalang shabu na may bigat na 330 gramo at may Standard Drug Price na Php2,244,000, isang piraso ng black belt bag; isang digital weighing scale; at isang transparent plastic bag.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o kilala bilang “Comprehensive Dangerous Drugs Act 2002” ang mga suspek.
Hinimok din ni PCol Tuliao ang komunidad na iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa pamamagitan ng paggamit ng Law Enforcement Reporting Information System (LERIS) para sa agarang tugon ng pulis.
“Sa pamamagitan ng makabago at madiskarteng diskarte na ito upang madaling matugunan ang mga problema sa krimen, ang kapayapaan, kaayusan at kaligtasan ng komunidad ay ang aming pangunahing priyoridad,” pahayag ni PCol Tuliao.
Source: EPD PIO