Opisyal na kinilala bilang Drug Free Workplace ang Police Provincial Offices ng Cavite, Laguna, Batangas, at Rizal, kasama ang Regional Mobile Force Battalion 4A, sa isang pormal na seremonya na ginanap sa Camp BGen Vicente Lim, Calamba City, Laguna na pinangunahan ni Undersecretary ng Dangerous Drugs Board USEC Earl P Saavedra, CESO I, nito lamang ika-6 ng Nobyembre 2024.
Sa pagpapatupad ng komprehensibong mga programang naglalayong pigilan ang paggamit ng droga, protektahan ang kaligtasan sa lugar ng trabaho, at itaguyod ang kagalingan ng lahat ng tauhan ng pulisya, ang PRO CALABARZON ay nagpakita ng dedikasyon sa pagtatakda ng isang magandang halimbawa para sa ibang sektor ng pamahalaan at mga lokal na komunidad sa paglaban sa ilegal na droga.
Ayon sa mensahe ng Regional Director na si PBGen Paul Kenneth T. Lucas, “Lahat ng mata ay nasa Police Regional Office na ito. Tinitingnan kayo ng iba’t ibang panig ng bansa lalong lalo na in terms of strengthening and deepening the commitment of police organization in our overall drug agenda,” ang deklarasyong ito ay nagsisilbing tagumpay at panawagan na patuloy na magbantay.
Samantala, pinangunahan naman ni USEC Saavedra kasama ang Regional Director at iba pang miyembro ng Command Group ang Ceremonial Unveiling of the Drug Free Workplace Marker para sa mga nasabing Police Provincial Officials at Regional Mobile Force Battalion 4A.
Sa nasabing aktibidad, kinilala rin ang Barangay Tanods, City Anti-Drug Abuse Council (CADAC), at Municipal Anti-Drug Abuse Council (MADAC) sa kanilang mga makabuluhang nagawa tungo sa drug free environment.
Ang pagsasagawa ng Drug Free Workplace ng PNP ay may layunin para sa isang ligtas at mapayapang lipunan, na nagtataguyod hindi lamang ng kaligtasan ng publiko kundi pati na rin ng paglago ng ekonomiya at tiwala ng komunidad sa ating mga kapulisan
Source: PRO4A-PIO
Panulat ni Pat Maria Sarah P Bernales