Nasakote ang dalawang indibidwal na nagresulta sa pagkakasabat ng tinatayang Php4,080,000 sa ikinasang operasyon ng mga otoridad sa parking lot ng isang mall sa Taguig City bandang 12:40 ng madaling araw nito lamang Martes, Nobyembre 5, 2024.
Kinilala ni Police Brigadier General Bernard R Yang, District Director ng Southern Police District, ang mga suspek na sina alyas “Alvin”, 27 anyos (naaresto dahil sa paglabag sa Section 5 at Section 11 sa ilalim ng Article II ng RA 9165 at Paglabag sa RA 10591), at alyas “Miracle”, Child in Conflict with the Law (CICL), 15 anyos, babae (naaresto dahil sa paglabag sa Section 26 sa ilalim ng Artikulo II ng Republic Act 9165).
Naging matagumpay ang operasyon dahil sa pagsisikap ng mga elemento ng Southern Police District Drug Enforcement Unit, District Intelligence Division, District Mobile Force Battalion, Sub-Station 4 ng Taguig City Police Station at PDEA SDO.
Ang operasyon ay nagresulta sa pagkasamsam ng humigit-kumulang 600 gramo ng hinihinalang shabu na may market value na Php4,080,000, buy-bust money, kalibre 9mm na may nakasingit na magasin at mga bala na nakumpiska kay alyas “Alvin”, at cellphone.
“Ang kailangan nating itigil ay ang network ng supply ng ilegal na droga sa komunidad”, pahayag ni PBGen Yang.
Source: SPD PIO
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos