Nasamsam ng mga operatiba ng Eastern Police District ang tinatayang Php7.5 milyong halaga ng marijuana kush mula sa dalawang indibidwal sa ikinasang anti-illegal drugs operation nito lamang Lunes, Nobyembre 4, 2024 sa No. 831 San Rafael St., Barangay Plainview, Mandaluyong City.
Ayon kay Police Colonel Villamour Q Tuliao, Officer-In-Charge ng Eastern Police District, naging matagumpay ang operasyon na pinangunahan ng EPD-DDEU ang operasyon kasama ang Mandaluyong SDEU, at Marikina SDEU.
Nagkunwaring poseur-buyer ang isang pulis at nakabili mula sa mga suspek ng self-sealing transparent plastic bag na naglalaman ng hinihinalang high-grade Marijuana (Kush) na nagkakahalaga ng Php50,000.
Narekober sa naturang operasyon ang 11 piraso ng canister na naglalaman ng marijuana kush na tumitimbang ng limang kilo na nagkakahalaga ng Php7,500,000.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act 2002” ang mga suspek.
“Ang pakikilahok ng komunidad ay napakahalaga sa ating paglaban sa droga. Magkasama, makakalikha tayo ng mas ligtas na kapaligiran para sa ating mga pamilya at mga anak.” saad ni PCol Tuliao.
Source: EPD PIO