Timbog ang isang security guard sa ikinasang Oplan Kapkap Bakal ng mga otoridad sa Barangay Poblacion, Tboli Food Hub, South Cotabato bandang 12:30 ng madaling araw nito lamang ika-3 ng Nobyembre 2024.
Kinilala ni Police Lieutenant Romy Duot Castañanares, Office-In-Charge ng Tboli Municipal Police Station, ang naarestong suspek na si alyas “Patrick”, 29, security guard at residente ng Purok Centro, Barangay Kematu, Tboli, South Cotabato.
Nabatid na isang mamamayan ang nag-ulat sa istasyon ng pulisya hinggil sa isang lalaking umano’y lasing at may dalang maikling baril.
Ang naturang lalaki ay nagpakita ng baril sa publiko at nagdulot ito ng takot.
Walang naipakitang dokumento ang suspek sa pulisya sa kanyang isang yunit ng homemade .38 revolver, isang bala para sa .38 revolver at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act”.
Ang mabilis na aksyon ng T’boli PNP ay nagbigay ng katiyakan sa kaligtasan ng mga residente at ang kampanya laban sa mga loose firearms ay patuloy na isinasagawa upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa pamayanan.
Panulat ni Patrolwoman Ara Casandra Concon