Timbog ang suspek sa pananaga at pananaksak sa ikinasang hot pursuit operation ng mga tauhan ng Tago Municipal Police Station sa Purok Avocado Maroon, Barangay Purisima, Tago, Surigao del Sur bandang 9:30 ng gabi nito lamang Nobyembre 2, 2024.
Kinilala ni Police Lieutenant Methushela B Disabille, Officer-In-Charge ng Tago MPS, ang biktima na si alyas “Jesbert,” 47, na brutal na inatake ng suspek na kinilala naman na si alyas “Jucel,” 37.
Ayon sa ulat, nag-iinuman ang suspek kasama ang dalawang indibidwal na sina alyas “Mike” at alyas “Richelle” sa bahay ni Richelle nang sumali ang biktima.
Nagkaroon ng mainit na argumento sa pagitan ng suspek at biktima, dahilan na sinaksak nito ang biktima sa kaliwang bahagi ng katawan gamit ang matalim na bagay na kilala bilang “sundangay.”
Nakatakbo pa ang biktima patungo sa covered court ng Purok Avocado Maroon ngunit hinabol ng suspek at pinagtataga nang maraming beses gamit ang mahabang talim na kilala bilang “Lagaraw”, na nagdulot ng malubhang sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng biktima.
Agad tumakas ang suspek, habang ang biktima ay agad na dinala sa Adela Serra Ty Memorial Medical Center sa Tandag City ngunit idineklarang dead-on-arrival.
Agad nahuli ang suspek sa mismong tahanan nito dahil sa agarang aksyon ng Tago PNP at sa kooperasyon ng mamamayan.
Narekober sa covered court ang isang matalim na armas, habang ang mahabang talim ay nakumpiska mula sa bahay ng suspek.
Patuloy ang PNP sa pagsiguro ng kaligtasan ng publiko at ilagay sa likod ng rehas ang taong may sala sa batas.