Timbog ang isang indibidwal matapos makuhanan ng ilegal na baril sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad sa Poblacion 6, Cotabato City noong ika-1 ng Nobyembre 2024.
Kinilala ni Police Colonel Michael John C Mangahis, Officer-In-Charge ng Cotabato City Police Office, ang suspek na si alyas “Tando”, 25 anyos, residente ng Dalumangcob, Sultan Kudarat, Maguindanao Del Norte.
Ayon sa ulat, bandang 10:40 ng gabi nang makatanggap ng ulat ang naturang istasyon mula sa mga tauhan ng Traffic Enforcement Unit (TEU), Cotabato City na may naarestong isang lalaking may dala-dalang hindi dokumentadong baril.
Nakumpirma ng mga otoridad ang isang ilegal na yunit ng Forjas Taurus caliber 40 pistol na may serial number SFP77572 at isang magasin na naglalaman ng 15 pirasong bala na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.
Kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang inihanda laban sa suspek.
Sa patuloy na koordinasyon ng bawat sangay ng gobyerno ay masasawata at mapipigilan ang anumang uri ng kriminalidad partikular ang ilegal na droga at loose firearms na ang hangarin ng PNP ay mapanatili ang maayos at tahimik na pamayanan.
Panulat ni Patrolwoman Veronica Laggui