Sa kabila ng banta at peligrong dulot ng Bagyong Kristine, buong tapang na rumesponde ang Pulisya upang magbigay ng tulong sa mga residenteng matinding naapektuhan ng bagyo sa iba’t ibang bahagi ng Cordillera Administrative Region nito lamang ika-24 ng Oktubre 2024.
Ayon kay Police Brigadier General David K Peredo Jr., Regional Director ng PRO CAR, ang operasyon ay matagumpay dahil sa pagtutulungan ng mga iba’t ibang unit ng Cordillera katuwang ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Nagsagawa ng road clearing operations sa iba’t ibang lugar upang mabilis na maibalik ang access sa mga kalsadang nabarahan ng mga nabuwal na puno, putik, at iba pang debris.
Kasabay ng mga operasyong ito, agad din nagbahagi ng relief goods sa mga pamilyang nasalanta ng bagyo.
Kabilang sa mga ipinamahagi ang mga pagkain, tubig, at iba pang pangunahing pangangailangan.
Ayon sa PNP Cordillera, magpapatuloy ang kanilang mga operasyon hanggang masigurong ligtas at nasa maayos na kalagayan ang lahat ng apektadong mamamayan.