Dahil sa walang humpay na pagbuhos ng ulan na dala ng Bagyong Kristine, ang mga tauhan ng Police Regional Office 5 (PRO5) ay agad na naglunsad ng malawakang evacuation at rescue operations sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon.
Ang mga lugar na labis na apektado ng pagbaha at landslide, partikular sa mga lalawigan ng Albay, Camarines Sur, Naga City at Sorsogon, ay agad na tinutukan ng mga kapulisan upang masigurong ligtas ang mga residente nitong Martes, Oktubre 22, 2024.
Sa ilalim ng direktiba ni Police Brigadier General Andre P Dizon, Regional Director ng PRO5, nakipagtulungan ang mga pulis sa mga Local Disaster Risk Reduction Management Offices (LDRRMO) at mga ahensya ng pamahalaan upang mas mabilis na maabot ang mga pamilyang nangangailangan ng agarang tulong.
Kasabay ng rescue operations, ang mga kapulisan ay nagpaabot ng paalala sa publiko na iwasan ang pagpunta sa mga mababang lugar at mag-ingat sa mga landslide-prone areas.
Patuloy ang pagbabantay ng mga pulis sa sitwasyon, at patuloy na binibigyang halaga ang kaligtasan ng bawat mamamayan, kasabay ng panawagang “Sa Bagong Pilipinas, ang Gusto ng Pulis, Ligtas Ka!.”
Sa kabila ng panganib at masamang panahon, ipinakita ng mga kapulisan ng PRO5 ang dedikasyon sa pagseserbisyo at pagtulong sa mga komunidad sa panahon ng sakuna.