Boluntaryong nagbalik-loob sa pamahalaan ang isang miyembro ng Communist Terrorist Group sa Barangay Pabanog, Paranas, Samar nito lamang ika-18 ng Oktubre 2024.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Alex C Dang-Aoen, Force Commander ng 2nd Samar Provincial Mobile Force Company, ang nagbalik-loob na si alyas “Anie”, 50 anyos, magsasaka, residente ng Barangay Pelaon, Pinabacdao, Samar at miyembro ng SRGU Bugsok Platoon, SRC SESAME, EVRPC.
Ang matagumpay na pagbabalik-loob nito ay resulta ng pagsisikap at panawagan ng mga tauhan ng 2nd Samar Provincial Mobile Force Company, kasama ang Regional Intelligence Unit 8, 802nd Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion 8 at 124 Special Action Company, 12 Special Action Battalion, PNP-SAF.
Isinuko rin ng dating miyembro ng CTG ang dalawang yunit ng Improvised Explosive Device, dalawang pulang bandila na may markang “Bagong Hukbong Bayan Junito Ragay Humano Sur Samar Prente 1”, isang AFP Jungle Pack, isang yunit ng unserviceable long magazine, isang caliber 5.56 ammunition, isang caliber 5.56 cartridge case, isang unserviceable Baofeng handheld radio at ilang ammunition links.
Samantala, nakatanggap naman ang nagbalik-loob ng agarang tulong pinansyal at bigas mula sa mga kapulisan.
Ang nasabing surrenderee ay nasa kustodiya na ng 2nd Samar PMFC para sa facilitation ng kanyang posibleng enrollment sa programa ng ating gobyerno na Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP.
Patuloy naman ang pagbibigay ng tulong at suporta ang ating gobyerno sa mga nais magbalik-loob sa ating pamahalaan sa pamamagitan ng mga programa na naglalayong magbigay ng bagong simula sa kanilang mga buhay.
Panulat ni Patrolwoman Ma. Elena B Singian