Nasamsam ang tinatayang Php8.2 milyong halaga ng suspected shabu sa matagumpay na joint drug buy-bust operation ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) at Regional Drug Enforcement Unit 6 (RDEU 6) sa Jaro, Iloilo City nito lamang ika-17 ng Oktubre 2024.
Kinilala ni Police Captain Ryan Christ Inot, hepe ng City Drug Enforcement Unit, ang suspek na si alyas “Michael”, 30 anyos, at residente ng Barangay Bitoon, Jaro, Iloilo City
Ayon kay PCpt Inot, naibenta ni alyas “michael” ang isang pakete ng hinihinalang shabu kapalit ng Php55,000 buy-bust money.
Nang inspeksyunin ang motorsiklo ng suspek, 12 bugkos ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php6.8 milyon ang natagpuan sa u-box nito.
Bukod dito, kusang isinuko ng suspek ang natitirang 220 gramo ng shabu mula sa kanyang bahay na nagkakahalaga ng Php1.4 milyon.
Aminado naman ang suspek na galing sa Maynila ang supply ng droga, bago ipakalat sa iba’t ibang lugar sa Iloilo City at mga kalapit na bayan.
Inamin din niyang nagbebenta siya ng droga para sa pangangailangan ng kanyang isang-taong-gulang na anak.
Matagal nang target ng mga operatiba ng PNP ang suspek, na una nang nakulong noong 2015 sa kasong may kinalaman din sa ilegal na droga at nakalaya noong 2020.
Ang suspek ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Ang matagumpay na operasyon ng Iloilo City PNP ay nagpapakita ng dedikasyon ng kapulisan upang linisin ang komunidad mula sa banta ng ilegal na droga at tiyaking magiging ligtas ang bawat mamamayan.
Source: K5 NEWS FM ILOILO
Panulat ni Pat Andrea Dominique Depalubos