Tinatayang nasa Php245,000 halaga ng shabu ang nasabat sa isinagawang buy-bust operation ng Taguig City Police Station Drug Enforcement Unit sa isang lalaking suspek nito lamang Martes, Oktubre 15, 2024.
Kinilala ni Police Brigadier General Bernard Yang, District Director ng Southern Police District, ang suspek na si alyas “Bore”, 30 anyos.
Naganap ang operasyon ng dakong 7:10 ng gabi sa Barangay Fort Bonifacio, Taguig City na humantong sa pagkakasamsam ng tatlong heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang 35 gramo at tinatayang may street value na Php245,208, isang pirasong Php500 bill bilang buy- bust money, tatlong Php1,000 boodle money bill, at isang coin purse.
Reklamo naman para sa mga paglabag sa Section 5 (Sale) at Section 11 (Possession) ng Article II ng Republic Act 9165, na kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ang inihahanda laban sa suspek.
“Ang operasyong ito ay isang patunay ng ating hindi natitinag na pangako sa pagpuksa sa ilegal na droga sa ating mga komunidad. Patuloy nating hahabulin ang mga kriminal na ito at dalhin sila sa hustisya para matiyak ang kaligtasan at kagalingan ng ating mga mamamayan,” ani PBGen Yang.
Source: SPD PIO
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos