Matagumpay na naipagkaloob at naipatayo ng RMFB 11 R-PSB Marilog Sub-Cluster 2 sa pangunguna ng kanilang Team Leader, PLT Bernard Blair Capitan ang dalawampu’t tatlong (23) solar-powered street lights para sa mahigit kumulang isang libong residente sa iba’t ibang barangay ng Marilog District, Davao City noong Pebrero 12, 2022.
Ang mga naturang street lights ay donasyon mula sa pamilya ni Ginang Ruth Weederworth ng Switzerland, isa sa stakeholder partners ng R-PSB Marilog Sub-Cluster 2.
Dito nga ay hindi inalintana ng mga nasabing kapulisan ang layo at mahirap na daan, hindi lamang upang ihatid ang mga street lights kundi sila din mismo ang nagtayo at nagkabit ng mga ito. Ilan sa lugar na napatayuan at nalagyan ng solar powered street lights ang mga liblib na lugar ng Sitio Unlag, Bulawanon at Kiopao ng Brgy Magsayay; Sitio Overview at Purok 1 ng Brgy Dalag; at Sitio Barobo, Mahayahay, Gumitan Proper, Kabalantian, Shap, Tigbugawan, Tojes at Kabangbang ng Brgy Gumitan. Ang mga nasabing barangay ang kanilang napili dahil kabilang ang mga ito sa geographically isolated and disadvantaged area sa naturang distrito.
Sa pamamagitan nga ng walang sawang suporta mula sa iba’t ibang barangay at pribadong stakeholders ay naihahatid ng RMFB 11 R-PSB Team Marilog Sub Cluster 2 ang dekalidad na serbisyo sa mamamayan upang mas lalo pang pagtibayin at isulong ang kapayapaan at kaunlaran sa kanilang mga nasasakupan.
Kaya naman pasasalamat ang naging tugon ng mga benepisyaryo ng naturang pailaw dahil bukod sa hindi na sila mahihirapan kapag naglalakad tuwing gabi ay malaking tulong din ito upang maiwasan ang di kanais-nais na insidente o pangyayari sa kanilang lugar.
Panulat ni Pat. Lawrence Jonas Tuason, RMFB 11
Godbless PNP
Malaking tulong ito sa mga kabBayan natin na hindi na aabot ng kuryente , salamat pnp