Aglipay, Quirino (February 10, 2022) – Arestado ng mga kapulisan sa isinagawang hot pursuit operation ang isang lalaki matapos itong magpaputok ng baril sa Purok 1, Aglipay, Quirino noong Pebrero 10, 2022.
Matagumpay na naaresto ang suspek sa pinagsanib pwersa ng Aglipay Police Station (PS) sa ilalim ng liderato ni Police Major Joel P. Guinobang, Officer-In-Charge at 1st Quirino Provincial Mobile Force Company (PMFC) sa pangunguna ni Police Lieutenant Colonel Eugenio Malillin, Force Commander.
Kinilala ng awtoridad ang suspek na si Rafael Dumalian Orlani, 54 taong gulang, isang foreman, at residente sa nabanggit na lugar.
Batay sa imbestigasyon, lumapit at nakiupo ang suspek na noon ay nasa ilalim ng impluwensya ng alak sa isang grupo ng kalalakihang nag-iinuman sa Purok Hall ng Purok 1, Aglipay, Quirino. Makaraan ang ilang minuto ay bigla umano nitong binunot ang baril mula sa kanyang baywang at nagpaputok. Muling nagtangkang magpaputok si Orlani ngunit agad na naagaw ng mga trabahador sa lugar ang baril nito. Pagkatapos ng insidente ay mabilis na umalis ang suspek.
Narekober sa suspek ang isang (1) Colt Caliber 45 pistol na may markang USA, 1911 at may serial number na 162345, isang (1) magazine na may lamang pitong (7) bala at isang (1) basyo ng bala na naiturn-over na sa Office of the Provincial Prosecutor, Justice Hall Building, Cabarroguis, Quirino.
Kasalukuyang nasa kustodiya si Orlani ng Aglipay Police Station kung saan nahaharap siya sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Omnibus Election Code.
Samantala, patuloy naman ang panawagan ng kapulisan sa mga mamamayan na makipagtulungan upang maiwasan ang krimen at mapanatili ang kaayusan sa pamayanan.
####
Panulat ni Pat. Juliet L Dayag, RPCADU2
Galing talaga ng mga pulis natin salamat