Nanatiling “generally peaceful” ang peace and order situation sa Northern Mindanao sa panahon ng paghahain ng Certificates of Candidacy (COC) para sa 2025 Midterm Elections nito lamang Martes, Oktubre 8, 2024.
Ayon kay Police Brigadier General Jaysen C De Guzman, Acting Regional Director ng Police Regional Office 10, nananatiling generally peaceful at walang naitala ang PRO 10 na insidente na nangyari sa rehiyon kaugnay sa paghahain ng Certificate of Candidacy mula Oktubre 1 hanggang 8, 2024.
Mahigit 1,152 police personnel sa buong rehiyon, na kinabibilangan ng 384 na nakatalaga sa police assistance desks (PADs) at 768 na miyembro ng Quick Reaction Teams (QRTs), ay natiyak ang kaligtasan ng publiko at maayos na pagsasagawa ng mga aktibidad na may kinalaman sa halalan.
Sa paghahain ng COC, siniguro ng PRO 10 ang komprehensibong security measures nito kabilang ang heightened intelligence monitoring, police visibility, at random checkpoint operations.
Laging nakahanda ang PRO10 na tumugon sa anumang insidente na maaaring mangyari sa pagsasagawa ng anumang aktibidad na may kinalaman sa halalan para masiguradong walang anumang insidente ang magaganap sa Northern Mindanao.
Panulat ni Pat Rizza Sajonia