Tinatayang Php469,200 halaga ng shabu ang nasabat sa dalawang drug suspek sa ikinasang buy-bust operation ng mga operatiba sa Barangay Cogon, Ormoc City nito lamang ika-19 ng Setyembre 2024.
Kinilala ni Police Major Michael Ray G Cañete, Chief ng Ormoc City Drug Enforcement Unit, ang mga suspek na sina alyas “Titing”, 37 anyos, LGU Traffic Enforcer, Top 2 drug suspek at residente ng Barangay Camp Jorge Downes, Ormoc City at alyas “Macky”, 28 anyos, LGU Traffic Enforcer, High Value Individual na residente ng Barangay Labrador, Ormoc City.
Bandang 7:55 ng gabi nang ikasa ang operasyon ng mga tauhan ng Ormoc City Police Office – City Drug Enforcement Unit, kasama ang Ormoc City Intelligence Unit, Ormoc City Police Station 1 at Regional Intelligence Unit 8 sa koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency 8.
Nakumpiska sa mga suspek ang 5 pakete ng hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na 69 gramo na nagkakahalaga ng Php469,200, isang genuine 500-peso bill na ginamit bilang buy-bust money at 39 pirasong 500-peso bill na ginamit bilang boodle money at mga drug paraphernalia.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 Article II ng Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Ang Ormoc City PNP ay walang humpay sa pagpapaigting ng kanilang kampanya laban sa mga gumagamit at nagbebenta ng ilegal na droga upang masiguro ang kaayusan sa kanilang nasasakupan. Dahil sa Bagong Pilipinas ang gusto ng pulis ligtas ka!.
Panulat ni Patrolwoman Ma. Elena B Singian