Nasabat ng mga tauhan ng Taguig City Police Station ang humigit kumulang sa Php3.9 milyong halaga ng shabu sa ikinasang buy-bust operation nito lamang Sabado, Setyembre 21, 2024.
Kinilala ni Police Brigadier General Leon Victor Z Rosete, District Director ng Southern Police District, na si alyas “Joshua”, 31 anyos, nakalista bilang High Value Individual.
Ayon kay PBGen Rosete, naganap dakong alas-7:00 ng gabi ang buy-bust operation ng Station Drug Enforcement Unit ng Taguig City Police Station sa Barangay Ususan Taguig City na nagresulta sa pagkakasamsam ng mahigit 580 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa Php3,944,000, Php1,000 bill kasama ang 40 pirasong Php1,000 bill na pekeng pera na ginamit bilang buy-bust money, at isang puting J&T Express plastic pouch na ginamit sa transaksyon.
Reklamo naman para sa paglabag sa Section 5 at Section 11 Article II ng Republic Act 9165 ang isasampa laban sa suspek.
Titiyakin ng SPD na susupilin ang mga sindikato ng ilegal na droga upang matigil na ang mga ilegal na aktibidad sa kanilang nasasakupang lugar.
Source: SPD PIO
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos