Isang munisipalidad at dalawang barangay sa Cagayan, idineklara nang drug-cleared na nagmarka bilang isang malaking tagumpay sa paglaban ng lalawigan laban sa ilegal na droga na ginanap sa Conference Hall, LGU-Abulug, Barangay Libertad, Abulug, Cagayan nitong ika-10 ng Setyembre 2024.
Kabilang sa mga idineklara ang munisipalidad ng Abulug kasama ang Barangay Sta. Cruz ng Ballesteros at Barangay Tallungan ng Aparri. Ang kapansin-pansing pag-unlad na ito ay nagpapakita sa dedikasyon at pagsisikap ng PNP Cagayan sa mabilis at epektibong pagtugon sa mga isyu sa ilegal na droga.
Samantala, dinaluhan naman nina Police Colonel Mardito G Anguluan, Provincial Director, at Police Lieutenant Colonel Stanley Banan, Chief ng Provincial Community Affairs and Development Unit (PCADU) at mga tauhan ng PCADU sa ginanap na Regional Oversight Committee on Barangay Drug- Clearing Deliberation and Verification na pinangunahan ng PDEA Region II.
Ang pokus ng Barangay Drug Clearing Program ay palakasin ang mga estratehiya para labanan ang mga aktibidad ng ilegal na droga sa antas ng barangay, na naglalayong tiyakin ang mas ligtas at walang drogang pamayanan.
Kaya naman, ang Cagayan PNP ay nananatiling nakatuon sa pagsuporta at pagpapahusay ng mga hakbangin na nagpoprotekta sa ating komunidad mula sa masasamang epekto ng ilegal na droga. Hinihikayat ang mamamayan na makipagtulungan sa mga awtoridad at mga local government units para matiyak na ang ating lalawigan ay nananatiling ligtas, maunlad at mapayapa dahil sa Bagong Pilipinas ang Gusto ng Pulis, Ligtas ka.
Source: Cagayan Police Provincial Office
Panulat ni Pat Micah A Enriquez