Hindi nagkibit-balikat ang grupo ng mamahayag na magpadala ng liham kay Atty. Israelito Torreon, abogado ng KOJC, na nagpapaabot ng kanilang kalungkutan sa hindi magandang pagtrato sa kanila ng mga miyembro ng simbahan kahit ginagawa lang nila ang kanilang trabaho nang walang kinikilingan.
Laman ng liham na pinapaabot ng Mindanao Independent Press Council Incorporated ang di umanoy pamamahiya, pananakot, at pagbabanta ng KOJC sa media sa tuwing mag-cover sila ng balita sa labas ng KOJC compound o dumadalo sa mga press conferences ng KOJC.
“Nagpaparinig sila. Oh, andito na naman ang mga media na bias, bayaran mga ganon. So for me, hindi ko na lang sila mina-mind because I’m just doing my job,” pahayag ni Rhoda Grace Saron ng Mindanao Times.
Kamakailan lang matapos ang presscon ni Torreon na imbitado ang media at ilang miyembro ng simbahan na kumukuha rin ng video ay nakarinig din sila ng mga sigaw na “Pasok media, pasok” mula sa mga miyembro habang nakabantay ang mga pulis sa paligid.
“Tayong mga media ang ipapain doon sa kanila at parang hindi naman tama. What if kung kami pala yung bubugbugin di ba, kung ihaharrass din kami… Hindi rin okay para sa atin,” sabi ni Ruth Palo na Presidente ng Davao Peace and Security Corps.
Katulad ng mga pulis, ang media ay matiyagang nagbabantay sa labas ng KOJC compound para makakuha ng update na ibabalita tungkol sa totoong nagyayari sa nasabing lugar pero nakakaranas din ng pambubully mula sa mga miyembro ng simbahan.
Nakarating umano kay Torreon ang liham pero hindi raw masisiguro ng kanilang grupo ang kaligtasan ng media dulot ng galit ng ilang mga miyembro dahil sa lumalabas sa mga balitang hindi nila nagugustuhan.
“In the first place, we could not guarantee your safety because that is the job of the police and it’s not the job of KOJC,” tugon ni Atty. Torreon sa liham sa isang interview.

Samantala, naglabas naman ng pahayag ang Davao City Police Office na dumulog ang media sa pinakamalapit na istasyon para maghain ng reklamo ‘pag nakararanas ng mga di kanais-nais na trato mula kaninuman maging sa miyembro ng KOJC.
“Kung may mga violations po na nagawa, punta lang po kayo sa nearest police station para maghain po ng reklamo,” ani PCpt. Hazel Tuazon, Spokesperson ng DCPO.
Source and Screengrab: PTV
Sa panulat ni Tintin