Naaresto ang dalawang personalidad na tulak ng droga sa magkasunod na operasyon ng Rizal PNP sa lalawigan ng Rizal nito lamang ika-23 at 24 ng Agosto 2024.
Kinilala ni Police Colonel Felipe B Maraggun, Provincial Director ng Rizal Police Provincial Office, ang mga suspek na sina alyas “Tol”, 39 taong gulang, residente ng Bicutan, Taguig City at “Tito”, 53 taong gulang, residente ng Barangay Sta. Ana, Taytay, Rizal.
Naaresto si alyas ” Tol” bandang 2:52 ng umaga noong ika-23 ng Agosto 2024 sa Barangay San Juan, Taytay, Rizal ng mga operatiba ng Rizal Provincial Drug Enforcement Unit at nakumpiska mula rito ang dalawang pirasong heat-sealed transparent plastic sachet at isang knot-tied plastic na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng higit kumulang 30 gramo at nagkakahalaga ng Php204,000.
Samantala, sa kasunod na araw naaresto naman si alyas “Tito” bandang 12:30 ng umaga sa Barangay San Juan, Cainta, Rizal at nakumpiska mula sa kanya ang anim na pirasong heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng higit kumulang 54 gramo at nagkalahalaga ng Php374,000, isang kalibre 45, mga bala at magasin.
Ang mga nahuling suspek ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Ang operasyon ng Rizal PNP kontra ilegal na droga ay isang mahalagang hakbang sa pagtataguyod ng isang ligtas at mapayapang lipunan.
Sa patuloy na pagpapatupad ng batas nagkakaroon ng mas matatag na hakbang tungo sa isang bansa na malaya sa banta ng ilegal na droga at nagbibigay ng mas maliwanag na kinabukasan sa bawat mamamayan.
Source: Rizal Police Provincial Office
Panulat ni Patrolwoman Angelica Rica S Teng