Nasagip ng mga awtoridad ang dalawa umanong biktima ng human trafficking sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound sa Davao City sa gitna ng operasyon ng pulisya para isilbi ang Warrant of Arrest laban kay Pastor Apollo Quiboloy ngayong araw, pasado alas-onse ng umaga, ika-25 ng Agosto 2024.
Ito ang kinumpirma ni PNP Chief General Rommel Marbil kasama si Police Brigadier General Nicolas Deloso Torre III, Regional Director ng Police Regional Office 11, sa katatapos na isinagawang press briefing sa Hinirang Conference Room, Camp Sgt. Quintin M Merecido, Buhangin, Davao City, ilang oras pagkaraan ng pagsagip sa nasabing mga biktima.
“Akala po natin ang hinahabol po natin ay yung fugitive na si Quiboloy at apat na iba pa, pero eto panibagong kaso na naman sa kanila kaya kailangan nating suriin baka mas marami pang taong exploited doon o na-traffic,” ani PGen Marbil.
Ang rescue operation ay matagumpay na isinagawa sa tulong ng pinagsanib na pwersa ng Philippine National Police, Women and Children Protection Desk, at Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 11.
Ayon sa unang ulat, sinabi ni Police Regional Office (PRO) 11 Spokesperson Police Major Catherine dela Rey na ang mga umano’y biktima ay isang 21-anyos na lalaki mula sa Samar at isang babae mula sa bayan ng Midsayap ng Cotabato.
Kasamang humarap sa press conference ang mga magulang at kapatid ng isa sa dalawang biktima na si Lorenzo Benitez na nagkumpirma at nagsalaysay sa mapait na sinapit ng kanilang anak sa kamay ng KOJC.
Ayon kay G. Benitez, ama ng biktima, pinangakuan ang kanyang anak na magkakaroon ng scholarship sa Cebu subalit noong nakaraang taon, hiniling niyang umuwi ay hindi umano siya pinayagang umalis ng mga opisyal ng KOJC.
Gayunpaman, matagumpay na natulungan ng Sasa Police Station, RWCPD at DSWD ang pagsagip sa nasabing biktima kasama ang kanyang mga magulang.
Samantala, patuloy pa rin ang kapulisan sa pagtugis at pagmamanman sa KOJC compound para sa ikahuhuli ni Quiboloy.
“Malaki ang chances na makikita namin. Maybe Ptr. Quiboloy will have the sense to surrender because it’s just a matter of time at makikita rin po namin siya,” may kumpiyansang sinabi ni PBGen Torre III.