Kinumpirma ni Police Regional Office XI Spokesperson Police Major Catherine dela Rey na “cardiac arrest” o atake sa puso ang ikinasawi ng isa sa mga miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) kaninang umaga, Agosto 24, 2024.
Ayon kay PMaj Dela Rey, ang biktima ay isang lalaki na idineklarang “dead-on-arrival” nang dumating ito sa emergency room ng Southern Philippines Medical Center (SPMC).
Lumalabas sa imbestigasyon na biglang nawalan ng malay ang biktima habang ito ay nagbabantay sa isa sa mga “watch tower” ng KOJC compound.
Agad na isinugod sa ospital ang biktima ng mga kapulisan bandang 5:40 ng umaga gamit mismo ang ambulansya ng PNP Regional Health Service 11 at nakarating sa SPMC makalipas ang labing anim na minuto.
Ayon pa kay PMaj Dela Rey, sa kanilang pagtatanong ay nalaman nilang ilang araw nang pagod at walang pahinga ang biktima dahil sa pagbabantay ng banayaban o watch tower.
Pinabulaanan din ng tagapagsalita ang kumakalat na balitang may pitong nasawi sa isinasagawang operasyon ng kapulisan.
Ang PRO 11, sa pangunguna ni PBGen Nicolas D. Torre III, ay muling nagtungo bandang alas tres ng umaga sa KOJC compound upang ihain ang iba’t ibang warrant of arrest laban kay Apollo Quiboloy na nahaharap sa mga kasong may kaugnayan sa trafficking in person, child abuse, rape, at iba pa.