Nakumpiska sa isinagawang buy-bust operation ng Southern Police District (SPD) ang tinatayang Php3 milyong halaga ng shabu sa dalawang babaeng High Value Individual (HVI) nito lamang Huwebes, Agosto 15, 2024.
Kinilala ni Police Brigadier General Leon Victor Z Rosete, District Director ng SPD, ang mga naarestong suspek na sina alyas “Arianne”, 37, at alyas “Joann”, 19, na kapwa tinaguriang HVI.
Nadakip dakong 1:15 ng madaling araw ang dalawa sa Barangay Rizal, Taguig City na pinamunuan ng SPD Drug Enforcement Unit.
Nasamsam ng mga awtoridad ang anim na knot-tied transparent plastic packs na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang 450 gramo, na may tinatayang street value na Php3,060,000, isang Php1,000 bill na ginamit bilang marked money, 19 na piraso ng boodle money, isang itim na Huawei android phone, at isang itim na pouch.
Nahaharap sa mga reklamong paglabag sa section 5 at 11 sa ilalim ng Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek.
Patuloy ang PNP sa kampanya laban sa ilegal na droga upang maging tahimik at maayos ang ating bansa.
Source: SPD PIO
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos