Mahigit Php26.6 milyong halaga ng ilegal na tangke ng LPG ang nasamsam ng mga tauhan ng PNP Criminal Investigation and Detection Group matapos ang dalawang araw na implementasyon ng Oplan Ligas sa Burgos Extension, Barangay Suklayin, Baler, Aurora nito lamang Augosto 5 at 6 2024.

Ayon kay Police Major General Leo M Francisco, Director ng PNP CIDG, nagpatupad ang CIDG Anti-Fraud and Commercial Crimes Unit ng search warrant laban sa Aurora Gas Corporation na sangkot sa unauthorized refilling at distribution ng LPG products.
Nabatid na wala ang may-ari ng kumpanya nang isinagawa ang operasyon ngunit walong empleyado ang hinuli na sangkot sa operasyon ng ilegal na aktibidad.

Nasamsam sa operasyon ang mahigit 1,000 tangke ng LPG, tatlong tanker truck at iba’t ibang kagamitan na ginagamit ng kumpanya.
Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Batas Pambansa 33 at Seksyon 40 ng Republic Act 11592 o LPG Industry Regulation Act.
Ayon kay PMGen Francisco, ang naturang operasyon ay bahagi ng Oplan Ligas ng CIDG na naglalayong sugpuin ang mga hindi awtorisadong LPG refilling stations, dealers, at distributors sa bansa.