MARAWI, Lanao del Sur — Nasabat ng mga kawani ng Lanao del Sur Police Provincial Office sa pamumuno ni Police Colonel Robert S. Daculan ang humigit-kumulang sandaang gramo ng pinaniniwalaang shabu noong Miyerkules, Hulyo 31, 2024.
Ang buy-bust operation ay isinagawa ng mga nagsanib pwersa ng Marawi City Police Station (CPS)/City Drug Enforcement Unit, 1st Provincial Mobile Force Company, at Task Force Marawi na siya namang naging dahilan upang madakip ang isang alias “Jam” sa Brgy. Datu sa Dansalan, Lungsod ng Marawi dakong ika-lima ng hapon sa nasabing petsa.
Nakuha sa naturang indibidwal ang isang plastik na supot na naglalaman ng mga puting mala kristal na bagay na hinihinalang shabu at may halagang P 680 000, isang itim na Earl 150 tricycle na walang plaka, at buy bust money.
Kasalukuyan namang nasa kustodiya ng Marawi CPS si alyas “Jam” matapos isailalim sa inquest proceeding kahapon ng umaga.
Sinabi naman ni Police Colonel Daculan sa isang panayam na patuloy ang pagsisikap ng kapulisan upang mapanatiling payapa at ligtas ang lalawigan ng Lanao del Sur mula sa kapahamakan dulot ng paggamit ng mga ipinagbabawal na droga.