Nasabat sa dalawang indibidwal ang mga ilegal na baril at bala sa ikinasang operasyon ng mga awtoridad sa Purok 4, Barangay Lagandang, Isulan, Sultan Kudarat nito lamang Hulyo 28, 2024.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Julius R Malcontento, Hepe ng Isulan Municipal Police Station, ang dalawang suspek na si alyas “Zai”, 31 anyos, may asawa at “Ben”, 27 anyos, may asawa, pawang residente ng nasabing lugar.
Ayon kay PLtCol Malcontento, nakatanggap ng tawag ang naturang istasyon mula sa isang tauhan ng Barangay na may namataan na dalawang armadong indibidwal.
Agad namang pinuntahan ng mga awtoridad at nasabat sa mga suspek ang isang yunit ng cal. 45 pistol, magazine na naglalaman ng limang bala, isang yunit ng Magnum 357 revolver na naglalaman ng limang bala.
Nahaharap sa kasong paglabag ng Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang dalawang suspek.
Sa kabilang dako, hinikayat ng pulisya ang publiko na makipagtulungan sa kanila para mapigilan ang pagkalat ng ilegal na mga baril para sa mas ligtas na komunidad.
Panulat ni Patrolman Khnerwin Jay Medelin