Nasawi ang isang lalaking wanted person na tumungo sa himpilan ng Javier PNP upang umanoy sumuko at kalaunan ay nasawi matapos itong mang-agaw ng baril, habang apat naman na pulis ang sugatan sa insidente sa Poblacion Zone 1, Javier, Leyte nitong ika-24 ng Hulyo 2024.
Kinilala ni Police Major Ronald Puso, Officer-In-Charge ng Javier Municipal Police Station, ang suspek sa pamamaril na si Eduard Meras, 44 anyos at residente ng Barangay Manlilisid, Javier, Leyte.
Ayon kay PMaj Puso, boluntaryo umanong sumuko sa kanilang istasyon ang suspek kung saan sinamahan pa umano ito ng kanyang misis upang sumuko para sa kasong frustrated murder.
Habang naghihintay umano ito sa proseso ng kapulisan ay bigla na lamang umano itong nang-agaw ng baril sa isang pulis at pinaputukan ang mga nasa istasyon na nananghalian.
Dahil dito ay napilitan naman ang mga police on duty na barilin ang suspek na nagresulta ng agarang pagkamatay nito.
Ang mga biktimang pulis ay kinilalang si PSSg Pedro Ortiz, PSSg Rene Gerones Tolibas, PSSg Joel Gasta Mercado at PCpl Janno Barredo Gerones na agad naman na isinugod sa pinakamalapit na ospital.
Ang mga biktima ay nagtamo ng tama ng bala sa katawan habang ang isa naman ay sugatan matapos itong tumalon sa bintana upang makaiwas sa pamamaril.
Personal na binisita naman ni PBGen Reynaldo Pawid, Regional Director ng Police Regional Office 8 ang mga biktima kung saan nag-abot ito ng tulong pinansyal.