Nasamsam ang tinatayang Php6.8 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad na nagresulta sa pagkakadakip ng isang High Value Individual sa Purok Masigla, Barangay Poblacion, Ipil, Zamboanga Sibugay nito lamang ika-9 ng Hulyo 2024.
Kinilala ni Police Colonel Muammar K Mukaram, Officer-In-Charge ng Zamboanga Sibugay Police Provincial Office, ang suspek na si alyas “Kakay” (HVI), 56 anyos na residente ng Kasalamatan Village, Barangay Kasanyangan, Zamboanga City.
Bandang 9:20 ng gabi nang ikasa ang buy-bust operation ng mga operatiba ng Provincial Drug Enforcement Unit 9 katuwang ang Regional Drug Enforcement Unit, PNP Drug Enforcement Group, 106th Infantry Battalion, Philippine Army at Ipil Municipal Police Station na nagresulta sa matagumpay na pagkakaaresto sa suspek.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang berde ng tea bag; isang vacuum sealed transparent plastic bag na naglalaman ng shabu na may timbang na isang (1) kilong gramo na nagkakahalaga ng Php6,800,000; 12 bundle ng pera na ginamit bilang buy-bust money; Php1,122.50 na cash; isang purple na Vivo android cellular phone; limang gold watch; apat na bracelet; anim na brooch; apat na pares ng hikaw at iba pang mga kagamitan.
Samantala mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5, Article 2 ng Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Patunay lamang na ang Pambansang Pulisya ng Pilipinas katuwang ang ibang ahensya ng pamahalaan ay hindi nagpapabaya sa sinumpaang tungkulin na hulihin ang mga taong tiwalag sa batas, mapanatiling ligtas ang komunidad, at ipatupad ang kapayapaan ng bansa para sa mas maunlad na Bagong Pilipinas.
Panulat ni Patrolwoman Louise Marie V Conde