Nakumpiska ang higit Php1.6 milyong halaga ng smuggled na sigarilyo sa search warrant operation ng pulisya sa isang bahay sa kalye Alisangco, Purok Kaakbayan, Barangay Tiniguiban, Puerto Princesa City, Palawan noong ika-6 ng Hulyo 2024.
Ang operasyon ay pinangunahan ni Police Major Bernie N. Saldet Jr., sa pamumuno ni Police Brigadier General Jonathan A. Cabal, Director ng PNP Maritime Group, kasama ang operating team at Puerto Princesa City PNP.

Nasamsam sa naturang operasyon ang 493 reams ng iba’t ibang brand ng sigarilyo na nagkakahalaga ng Php1,660,400 at naaresto ang suspek na nag-iingat ng mga ilegal na sigarilyo.
Nag-ugat ang paghain ng search warrant matapos makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad na may mga nakatagong ilegal na sigarilyo sa lugar. Ang impormasyon ay naging batayan para sa mabilisang aksyon ng PNP Maritime Group at Puerto Princesa City PNP.
Ang naturang operasyon ay sinaksihan ng mga opisyal ng barangay ng Barangay Tiniguiban at mga representante mula sa media. Ang presensya nila ay nagbigay ng transparency at integridad sa proseso ng operasyon.

Lahat ng mga nakumpiskang ebidensya at ang naarestong suspek ay dinala na sa Headquarters ng 2nd Special Operations Unit – Maritime Group para sa tamang disposisyon. Patuloy na iniimbestigahan ang kaso upang malaman ang lawak ng operasyon ng smuggling ng sigarilyo sa lugar.
Source: Thunder News Philippines
Panulat ni Pat Desiree A Padilla