Nasakote ng Central Visayas PNP ang Php2 milyong halaga ng hinihinalang shabu mula sa isang lalaki sa isinagawang buy-bust operation sa Sitio Black Cats, Barangay Duljo Fatima, Cebu City, noong ika-17 ng Hunyo 2024.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Jomar P Dela Cerna, hepe ng Regional Police Drug Enforcement 7, Police Regional Office 7, ang suspek na si “Demot”, 30 anyos at residente ng 150 Spolarium Street, Barangay Duljo Fatima, Cebu City.
Bandang 10:05 ng gabi ng ikinasa ng awtoridad ang buy-bust operation na nagresulta sa pagkaaresto ng suspek at pagkakumpiska ng 10 plastic packs ng hinihinalang shabu na may timbang na 300 gramo at may Standard Drug Price na Php2,040,000, at buy-bust money.
Ang nasabing suspek ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang matagumpay na operasyon ay bunga ng pinagsanib-pwersa ng RPDEU 7 at Regional Intelligence Division 7.
Hangad ng kapulisan ng Central Visayas na panatilihing ligtas ang bawat mamamayan at hindi titigil sa lahat ng hakbangin upang sugpuin ang iba’t ibang uri ng kriminalidad, lalong lalo na problema sa ilegal na droga.
Source: RPDEU7 SR
Panulat ni Pat Grace Coligado